ABRA RIVER PINANGANGAMBAHANG UMAPAW DAHIL KAY “INENG”

ineng-debris-1

Nagmistulang dagat na ang Abra River dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong “Ineng.”

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Abra Governor Eustaquio Bersamin na malapit nang umapaw ang ilog at halos mahawakan na ito ng mga dumadaan sa ibabaw ng Calaba Bridge.

Mas matindi rin anya ang hagupit ni Ineng kumpara sa mga nagdaang mga bagyo.

“Ngayon ko rin nakita ‘yung ganito pala kalakas itong Ineng compared sa ibang bagyong dumaan dito. Buhos nang buhos ang ulan,” ani Bersamin.

Sa Lunes, magpupulong ang Sangguniang Panlalawigan ng Abra upang matukoy ang pinsala ng bagyo sa agrikultura na kanilang pangunahing industriya at kung kakailanganing magdeklara ng state of calamity.

“Ang Abra kasi, farming lang kami. Walang iba, rice [lang]… Sa ganitong ulan na ito, alam kong maraming nasira,” sabi ni Bersamin.

Idinagdag ng gobernador na nasa 743 indibidwal na ang kanilang nadala sa evacuation center dahil sa patuloy na epekto ni Ineng.

Wala pa anyang naitatalang nasawi sa kalamidad bagama’t maraming alagang hayop na ang namatay.

Kasalukuyang nakataas ang babala ng bagyo bilang 1 sa lalawigan.

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Region/Abra_River%2C_nanganganib_umapaw_dahil_kay_%27Ineng%27.html

August 22, 2015 @ 05:46 PM