3RD TIME’s THE CHARM – BB. PILIPINAS UNIVERSE 2014 MARY JEAN LASTIMOSA

Tatlong beses muna sumabak sa Binibining Pilipinas si Mary Jean Lastimosa bago tuluyang masungkit ang inaasam na korona.

Sa kanyang pagharap sa DZMM kasama ang iba pang kinoronahang dilag, sinabi ng 26-anyos na dalaga mula sa Cotabato na bagama’t nanguna siya sa kabuuang 40 naggagandahang mga kalahok, hindi naging madali ang pagkamit niya sa tagumpay.

Una siyang sumabak sa Bb. Pilipinas dahil na rin sa paghihikayat ng mga kababayan niya sa Davao City.

Nanalo siya bilang second runner-up sa unang pagsali noong Bb. Pilipinas 2011 subalit nabigong makakuha ng titulo sa ikalawang pagtatangka.

“And then when I won second runner-up, I got addicted to it. I was like maybe I should try because I think I can do it. And then failure came. I was like no more pageants for me,” pahayag pa niya sa isang panayam sa ANC.

Sa kabila ng mga naunang kabiguan sa pagsungkit sa titulo, hindi naman nawalan ng pag-asa ang dalaga. “Actually this year more on claiming na talaga… Sabi ko sa sarili ko [during] the second time that, that was my last time pero siguro ‘yung pangarap, pangarap talaga,” ani Lastimosa.

Lalo pa anya siyang nakumbinsing muling sumali sa kompetisyon nang palawigin ng Bb. Pilipinas ang edad ng mga maaaring lumahok at nitong Linggo, naiuwi niya ang korona na naging mailap sa kanya noon.

Naging inspirasyon din ni Lastimosa sa kanyang katatagan ang kapwa Binibining Pilipinas na si Maricar Balagtas na tatlong beses ding sumubok bago nagtagumpay bilang Bb. Pilipinas Universe noong 2004.

“Napag-isip-isip ko na pwede pa rin, ganun naman tayong mga Pilipino hindi tayo naggi-give up sa pangarap natin,” sambit pa niya.

Sa ngayon, excited na rin si Lastimosa na harapin ang kanyang mga responsibilidad na kaakibat ng pagiging Bb. Pilipinas-Universe.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Entertainment

April 1, 2014 @ 10:07 AM