13 LALAKE NAARESTO NG NBI DAHIL SA CYBERSEX OPS AT SEXTORTION

Labintatlong lalaki ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa limang magkakahiwalay na cybersex den sa Tondo, Caloocan at Pasig.

Sa ikinasang operasyon ng Cybercrime Division, Miyerkules, nadatnan pang nakahubad ang ilan sa mga lalaki habang nakikipag-video chat sa mga foreigner.

Ilan sa kanila ang nagpakilalang miyembro ng SM Group of Beckies o grupo ng computer dolls na halos mukhang babae na.

Ayon kay Cybercrime Division Chief Ronald Aguto, kabilang sa nadiskubreng modus ng grupo ang “sextortion” kung saan bina-blackmail ng mga ito ang mga foreigner kapalit ng pera.

Lingid sa kaalaman ng dayuhan, nire-record ng suspek ang video habang nakikipag-cybersex ito.

Sunod nito, sasabihin ng suspek na kapag hindi nagpadala ng pera ang foreigner ay ipapakalat nito sa Youtube ang video.

Binanggit din ni Aguto na iimbestigahan na rin nila ang sumbong na gumagamit pa ng mga menor de edad ang mga sinalakay na cybersex den.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro

March 19, 2014 @ 06:03 PM